Una kong marinig ang ‘library’ o silid-aklatan noong anim na taong gulang ako at nasa unang taon sa elementarya. Nagsimula ang lahat kay kuya nang yayain nya ako sa aming local library dahil kinailangan niyang magsiyasat tungkol sa mga kompyuter.

“Sama ka sa’kin sa library,” anyaya ni kuya, “maraming libro doon at mahilig ka naman magbasa ‘di ba?”

“Pero kuya,” buong reklamo ko dahil ayaw kong pumunta, “marami na akong libro dito.”

“Mas marami doon,” balik nya.

Binilang ko ang mga libro na nasa lagayan ko, isa, dalawa, tatlo… sampu. Marami naman ang sampu, naisip ko sa sarili ko. Pero tulad ng lahat ng bunso ay wala na rin akong nagawa. Kapag naiwan naman ako ay siguradong maraming utos ang aabutin ko sa magulang ko.

Apat na kanto lang ang layo ng library sa bahay namin pero ayaw na ayaw ko talagang pumunta. Sabado noon, gusto kong maglaro, at sa mga narinig ko ay nakakatakot daw doon. Madilim, maalikabok, at may masungit na tiga-bantay (na parang si Aling Puring sa ‘Purings komshop: Mapupuri sa bilis’). At isa pa, nandun din, para magbasa ng dyaryo, sina mam sungit, mam tanda, at mam psychic; ang triple threat triad na sister’s in teaching na walang ginawa kundi magtaray, magsermon, at manhula ng grado.

Pagdating namin sa harap ay tila tama nga ang hula ko. Mukhang bibigay na ang pinakastruktura ng gusali at madilim sa loob. Isang haunted house kung baga at hindi ko alam kung gusto ko pa bang tumuloy. Pagpasok ay napansin ko ang tatlong bagay: Napakaraming libro tulad nga ng sabi ni kuya at malaki ang loob kumpara sa labas, ang mga naroon ay mga matatanda na nagbabasa ng dyaryo at mga mag-aaral sa kolehiyo na hapong-hapo na, at ang matandang librarian na nagbabasa ng ‘ARBA’.

Tumungo kami sa kahoy na mesa ng librarian. Matibay kung tignan, nakapatong sa taas ay mga maliliit na papel, libro, at plaka ng pangalan ng librarian: Mrs. Olive Tagabantay-Karunungan, Reference Librarian/Head Librarian. Makapal ang salamin, simangot sa labi, at pamatay na titig ang unang sumalubong.

“Mam, magandang umaga po,” bati ni kuya at mukhang natatakot na tarayan, “meron po ba kayong mga libro tungkol sa mga kompyuter at programming.”

Hindi tumingin ang librarian kaya umulit ng bati si kuya, “Excuse me po, mam-”

Tumingin sa kanya si Mrs. Olive at sa hindi inaasahang pagkakataon ay ngumiti at nagulat, “Ay, magandang umaga rin. Pagpasensyahan mo at hindi kita napansin dahil maraming kailangang gawin. Pumipili ako ng mga libro para pandagdag dito. Ano ulit kailangan mo?”

“Mga libro po tungkol sa kompyuter at programming po.”

Kabisado na ata ni Mrs. Olive lahat ng libro kaya’t wala pang isang segundo ay nakasagot agad, “Meron, meron. Nandito, samahan na kita sa pagkuha-”

“Hindi na po mam. Ibigay nyo na lang po sa’kin kung nasaan at ako na bahala.”

“Sigurado ka? Pwede naming samahan kita”

“Hindi na po mam. Sanay na rin naman po ako sa library.”

Nag-abot si Mrs. Olive ng papel na mayroong mga numero at letra kay kuya at ibinilin nya ako sa librarian. Kitang-kita ang tuwa ng librarian ng makita nya ako dahil sabi niya na nakakatuwa raw ang mga batang mahilig magbasa. Tumayo sya at hinalina akong sumunod sa kanya patungo sa isang bahagi ng silid-aklatan kung saan mayroong makukulay na libro sa mga lalagyan at larawan sa pader.

“Maghanap-hanap ka lang ng libro dyan. Kung may kailangan ka ay tawagin mo lang ako. Meron din na mga laruan kung tamarin ka.” Ngumiti siya sakin at umalis rin ang librarian at bumalik sa kanyang kinauupuan.

Tumingin-tingin ako ng mga libro at nakaramdam ako ng kakaibang kasiyahan; para sa akin na ang pinakamaraming libro ay sampu ay hindi inaasahang mas marami pa pala. Napansin ko ang isang libro na ang pamagat ay “Bridge to Terabithia” ay kukunin na sana nang may isa pang kamay na paabot din. Tumingin ako at sinabing “Nauna ako-” ngunit naputol ang aking sasabihin ng makita ko ang kabilang nais na bumasa. At iyon siya, isang batang babae, kasing edad ko, na may mahabang buhok, ngiting tila kasiyahan lamang ang dating, at mata na kasing dilim ng gabi.

Itutuloy sa susunod na kabanta…

[Featured image source: http://www.cartographic.fr/forums/tower/Library.jpg]