Dalawang mata para sa dalawang kagandahan na nakita ko noong araw na iyon: ang aklatan na kay daming aklatan at siya. Pero dito muna magtatapos ang kwento namin. Mas pinagbigyan pansin ko ang mga libro dahil mas mahal kong magbasa sa edad kong iyon. SIguro sa susunod na linggo pero ngayon, yung mga nakita ko munang aklat noon. Talagang hook-and-bait lang yung pamagat. Sa aklatan ang kwento, kayo naman.

Unang libro na napansin ko ay ang collection ng Goosebumps ni R.L. Stine. Sa mga susunod na taon ay nagkaroon ako ng koleksyon nitong mga librong ito ngunit natangay ni Ondoy. Naalala ko yung takot na ibinigay ng bawat salita. The Imdominable Snowman of Pasedena pa ang pinaka-una na nabasa ko. Hindi sya nakakatakot kaya nagbasa pa ako ng isa na tungkol naman sa isang Ventriloquist Dummy… at hindi ako nakatulog ng maayos. Takot: isang pakiramdam na libro ang nagpakilala ng tunay sa akin.

May masasayang araw din. Nakilala na ako ni Mrs. Olive at tuwang-tuwa sya sa bagong cliente nyang napapahilig magbasa (di katulad nung girl na sadyang isang beses ko lang nakita sa silid-aklatan.) Napapasigaw ako ng Call Me Ishmael! Natuto ng confusion kung Best of Times ba talaga o Worst of Times. Hinanap si Nemo sa Nautilus at minsan sa P. Sherman, 42, Wallaby Way, Sydney. Tinanaw ang Asteroid B-612 mula sa Sahara. Napangiti ako ng mga ito at nadadala ko pa rin ang mga karanasan na binigay ng libro. Lalo na noong naputulan kami ng cable nang isang taon. Oo, binasa ko si Tom Sawyer kaya di ako makarelate sa mga memes ngayon.

Araw-araw, sa bawat uwian, ay pumupunta ako doon para magbasa. Patuloy na nahasa ang kaalaman ko, lalo na sa Kasaysayan, Ingles, at Filipino. Bumilis ako sa pagbabasa at napapaipon ako sa bawat pagbago ko ng library membership at bawat overdue.  Pagkain naman ng isipan iyon kaya ayos lang sa akin.

Hanggang dumating ang araw na huminto ako sa pagbabasa. Nasa ikalimang taon na ako ng elementarya noon at malakas ang ulan. Hindi na sana ako pupunta ngunit apat na libro ang babayaran ko pag pinatagal ko pa. Pumara ako ng tricycle, nagbayad ng sampung piso, at nagpahatid sa library. Pagbaba ko, at dahil sa lakas ng ulan, ay nakahulog ako ng isang libro: 20,000 Leagues Under The Sea. Ngayon ay 20,000 Leagues Under the Imburnal na sya. Natakot ako. Unang beses akong makasira ng libro. Di ko na alam ang gagawin ko. Nagsilong ako sa bubungan ng library at nag-isip ng sasabihin. “Kinain po sya ng aso ko.” Hindi… “Hiniram sya ng kaklase ko.” Hindi pa rin. Nag-isip pa ako ng ilan pa kaso naisip ko na sabihin na lang ang totoo.

Huminga ako ng malalim at pumasok sa library. Nakita ko si Mrs. Olive na nakaupo sa likod ng reference desk at mukhang inuubo. Lumapit ako at inabot ko sa kanya ang mga libro: Lord of the Flies, Alamat ng Gubat, at The Secret Garden. Ngumiti si Mrs. Olive at sinabing, “Isa pa, iho.”

Bumilis ang pintig ng puso ko. Heto na, Moment of Truth. Tila sa kaba ay nasabi ko, “Kinain po ng classmate ko!”

Napatawa ng malakas si Mrs. Olive at tumingin sa akin. Hindi nya napigilan ang tawa at ako naman ay nakatitig lang sa sahig. Nang matapos siya tumawa ay napaubo naman, at nanaman, at nanaman. Hanggang sa napaupo sya at tumawag ng isang janitor. Mukhang nanghina na si Mrs. Olivia at dahil doon ay pinyuhan na lang ako noong janitor na umuwi na muna. Sinunod ko siya at lumabas na ko.

Noong sumunod na araw ay sarado ang library. At ganoon din noong sumunod na araw. Hanggang sa isang linggo ay may nakapaskil na:

“Library Closed until further notice. Hiring New Librarian.”

Hindi na nagkaroon ng librarian doon sa mga sumunod na taon hanggang magcollege ako. Pero doon ko napagtanto na gusto kong maging librarian…

Pero sa Engineering ako nakapasok.

Itutuloy sa susunod na kabanata.