Contributed by ‘Markadan’

Noong nakaraang linggo, ifineature sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang kwento ni Carrot man. Si Carrot man ay isang gwapong lalakeng nag-aani ng (syempre) carrots sa may kabundukan ng Cordillera. At dahil may itsura si Carrot man, naipagpalagay ng isang propesor sa UP na baka may lahing banyaga si Carrot man at dahil dito, “na-improve yung race.”

Maraming umalma sa social media dahil sa sinabi ng propesor. Ang isang Facebook page na Habi Collective, sinabi na sana man lang ay humingi nalang ang research team ng KMJS ng analysis galing sa mga taga-UP Baguio dahil tutal sila ang mas eksperto tungkol sa pag-aaral sa mga taga-Kordillera. At may punto nga naman sila. Siguro, ang pinaka-leksyon nalang talaga e dapat nagdo-double o triple dapat ang mga nagre-research ng sources tungkol sa isang bagay para hindi lang biased o one-sided ang ipepresenta.

Kaya lang, mahirap gawin ang double-checking sa ibang mga bagay, tulad na lang kung para sa darating na eleksyon. Kulang dalawang buwan na lang at boboto na tayo ng mga uupo sa gubyerno pero parang hanggang ngayon e hindi pa rin tayo sigurado sa mga sarili natin kung sino ang mga dapat o karapat-dapat nating iboto. E paano naman kasi, tadtad na ng mga trapo moves ang TV at radyo. At kahit saan ka lumingon, merong mga mukha ng mga pulitikong naglipana sa mga dingding na may mga nakalagay na “Bawal umihi dito” o “Bawal magtapon ng basura dito.”

Kung matalino kang botante o hindi ka “bobo-tante,” magsusuri ka ng maigi ng mga balita at mga interview ng mga pulitiko para maging mas informed ang desisyon at pagboto mo sa buhay. Kaya lang, sa sobrang dami ng false information at propaganda, talagang struggle ang maging information literate sa panahon ng eleksyon, at kahit mag-double check o triple-check pa, parang ang hirap nang paniwalaan ng mga sinasabi ng mga pulitiko, ng mga balita, ng mga Facebook post, lahat na.

Ang puno’t dulo, paano ba tayo kukuha ng reliable source? Sabi sa LIS 71, dapat authoritative o well-established at credible ang mga pagkukuhanan natin ng source. At ang mga kukunin nating info, dapat updated at well-cited. Pero sa panahon ng eleksyon, parang wala na tayong pwedeng pagkatiwalaan sa kanila dahil kahit ang mga higante at “well-established” sources of information natin sa Pinas ay meron ding mga bias at political slant. Sa panahon ngayon ng eleksyon, ramdam na ramdam ang information explosion, at ako ay sabog na sabog na.

Kung ganun, wala na tayong magagawa kundi ang kumuha mismo ng mga primary sources at tayo na mismo ang humusga. Pero marami pa ring sagabal para makuha natin ang mga ito. Una sa lahat, hindi naman natin kayang silipin ang lahat ng nangyayari sa iba’t ibang panig ng bansa dahil hindi naman tayo omnipotent, at mahalaga ito kasi mas talamak ang pandaraya sa mga probinsya kesa sa Metro Manila. (At yung mga nangarap na bigyan tayo ng detalyadong balita sa mga magugulong probinsya, lalo yung nangyari nung nakaraang eleksyon sa Maguindanao, ibinabaon ng mga buwaya sa lupa gamit ang backhoe. Sumalangit nawa.) Pangalawa, hindi pa pasado ang FOI at sandamakmak na burukrasya pa rin ang kelangan nating daanin para makuha ang mga SALN ng mga tatakbong pulitiko. Kung plataporma naman ang usapan, pweden naman tayong makakuha pero magkaka-diabetes ka naman sa kapal ng sugar-coating ng mga sinasabi nila. Ni hindi natin malaman kung sino ang mga negosyanteng nasa likod ng mga ads nila, sino ang backer nino, at sino ang mga plano nilang maging gabinete.

Pero sa darating na Mayo, kelangan pa rin nating bumoto. Bilang mga Pilipinong librarian, ano ang dapat nating gawin? O may dapat nga ba tayong gawin? Kung may papasok sa library natin at hihingi ng mga pwedeng basahin tungkol sa mga tatakbong pulitiko, ano ang ibibigay natin? O sapat na ba ang official list ng COMELEC? Dapat kaya e BOI din tayo o di kaya e fact checker ng mga balita?

Marami akong tanong sa buhay. Okay lang. Yun naman kasi ang trabaho ko, ang magtanong.

– P. Markadan