Contributed by ‘Mace’

“Bakit LIS ang kinuha mo?” – Ito ang katanungang paulit-ulit na ibinabato sa akin ngunit hanggang ngayo’y hindi ko pa rin masagot. Kung tutuusin, napakadaling sabihin na “LIS ang kinuha ko kasi mahilig ako sa mga libro.” Hindi ba’t ito naman ang kadalasang rason ng mga kumukuha ng kursong ito? Napakadali rin namang sabihin na “LIS ang pinili ko dahil gusto kong sumunod sa yapak ng lola ko,” ngunit hindi ko pa rin magawa. Siguro’y dahil alam kong wala sa mga iyon ang dahilan kung bakit LIS ang tinatahak kong landas. Sa totoo lang ay wala akong rason upang kunin ang kursong ito.

Hindi ako nagmula sa ibang paaralan; hindi rin lumipat mula sa ibang kurso. Sa SLIS na talaga nagsimula ang buhay kolehiyo ko. Noong una’y neutral ang pagtanggap ko sa kursong ito. Hindi ko ito gusto, ngunit hindi rin naman inaayawan. Isang semestre ang lumipas at nagkaroon din ako ng mga kaibigan na nakatulong sa akin upang lalo ko pang yakapin ang kursong ito. Tila maayos ang lahat, kaya ipinagpatuloy ko lamang ito hanggang sa tumuntong ako sa ikalawang taon sa kolehiyo. Muli, naging maayos naman ang takbo ng unang semestre. Lalong dumami ang aking mga kaibigan at napagdesisyunan ko na ring sumali sa UP LISSA. Nakatulong ang organisasyong ito sa akin upang mas lalo ko pang makita ang kagandahan at mahalin ang kursong kailanma’y hindi ko naman pinangarap tahakin. Akala ko’y maayos na ang lahat, ngunit hindi pala. Kasabay ng pagpasok ng ikalawang semestre ay ang pagsulpot din ng napakaraming katanungan sa aking isipan:

“Tama bang LIS ang kinuha ko?”

“Ang dami kong pangarap noon, pero bakit nandito ako? Hindi naman ‘to ang gusto ko.”

“Dapat na ba akong mag-shift?”

“Hindi ba late na kung magshishift pa ako?”

“Paano kung hindi ko rin magustuhan ang kursong lilipatan ko?”

“Paano kung para pala talaga sa akin ang LIS?”

Mahigit dalawang buwan din akong nalunod sa aking mga sariling katanungan. Pansamantalang nawala ang inakala ko’y malinaw na direksyon ng aking buhay. Ang pakiramdam ko noo’y nangangapa ako sa dilim. May mga araw (sa totoo lang ay halos araw-araw) na naiiyak na lamang ako sapagkat hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin. Natatakot akong makagawa ng desisyon na tuluyang makasira sa buhay ko.

Sa ngayon, maayos namang muli ang takbo ng mga pangyayari. Hindi man kasing-ayos ng mga nagdaang semestre, mas maayos naman kaysa sa nagdaang ilang buwan. Hindi ko pa rin naman isinasara ang aking pintuan sa mga posibilidad, ngunit umaasa akong hindi magtatagal ay malilinawan na rin ang aking isipan.

At para sa mga katulad kong nagugulahan din, sana’y alam niyong hindi kayo nag-iisa. Maliliwanagan din tayo, kapit lang.

P.S. Kung nagtataka kayo kung bakit ko nga ba isinulat sa UPCAT form ang kursong ito at kung paano ko nasabing iniasa ko sa tadhana ang kapalaran ko, narito ang kwento:

Napakarami kong gustong kurso. Geology, meteorology, psychology, physics, architecture, biology, math, at engineering. Elementarya pa lamang ay linya na talaga ng siyensa ang hilig ko. Dumating ang araw ng pagfill-up ng UPCAT form. Ang second choice na lamang para sa UP Diliman ang hindi ko nasusulatan. Dahil hindi ko alam kung anong pipiliin ko, nakaisip ako ng paraan na kahit ako’y hindi ko naisip na seseryosohin ko pala.

Pinatakbo ko ang hawak kong lapis sa listahan ng mga kurso sa UP. Matapos ang ilang segundo, nagsabi ako ng “STOP” at saktong natapat ang lapis sa LIS. Ang tanging nasabi ko na lamang ay “Kapag pumasa ako dito, ibig sabihin God’s will ito. Kayo na po ang bahala.”

At alam niyo na ang mga sumunod na nangyayari.

 

Orayt.